DOJ kumakalap na ng impormasyon ukol sa online message board na konektado sa mass shootings sa ibang bansa
Kumakalap na ang Department of Justice (DOJ) ng impormasyon ukol sa online message board na 8chan na konektado sa mass shootings sa ibang bansa.
Ang mga founder at may-ari ng 8Chan ay sinasabing naka-base sa pilipinas.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nangangalap pa ng karagdagang impormasyon ang kanyang mga staff bago magpasya kung papaimbestigahan sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 8chan.
Batay sa mga ulat, ginamit ng gunman sa El Paso, Texas shooting ang 8chan para magpost ng pahayag sa pamamaril niya bilang tugon sa aniya’y “Hispanic Invasion of Texas.”
Ginamit din aniya ng shooter sa pamamaril sa dalawang mosque sa Christchurch, New Zealand noong Marso ang message board.
Ang founder at creator ng 8chan na si Fredrick Brennan ay pinaniniwalaang nasa Pilipinas pa.
Nakasaad sa records ng Bureau of Immigration na nasa bansa pa ang isang Fredrick Robert Brennan na may working visa at dumating sa Pilipinas noong July 1, 2017.
Ang kasalukuyang may-ari ng online message board na si Jim Watkins na isang US army veteran ay sinasabing naka-base rin sa Pilipinas.
Pero sa datos ng BI, nakaalis na sa bansa ang isang jim ray watkins noon pang may 9, 2019.
Sinabi ni Guevarra na walang impormasyon ang BI sa kinaroroonan ni Brennan dahil sa oras na makapasok na ang mga dayuhan sa bansa ay hindi na sila mati-trace ng kawanihan.
Sa isang panayam sa media, inihayag ni Brennan na handa siyang makipagtulungan sa pnp sa imbestigasyon nito sa 8chan.
Ulat ni Moira Encina