DOJ lalagda ng kasunduan sa PGH para isailalim sa otopsiya ang mahigit 100 bangkay ng PDLs na nasa punerarya sa Muntinlupa City
Ipapasailalim sa otopsiya ng DOJ sa Philippine General Hospital (PGH) ang mahigit 100 bangkay ng mga inmate sa Bilibid na nasa isang punerarya sa Muntinlupa City.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na lalagda ang DOJ ng memorandum of agreement sa PGH para sa paglilipat at pagsasagawa ng otopsiya sa mga bangkay.
Aniya, bibigyan ng resulta ng otopsiya at pathological exams ang NBI at PNP.
Kabuuang 176 bangkay ng inmates mula sa Bilibid ang nananatili pa rin sa Bureau of Corrections- accredited na Eastern Funeral Services sa Muntinlupa.
Nadiskubre ito ng mga imbestigador sa Percy Lapid killing matapos na dalhin doon ang bangkay ng pinatay na middleman at Bilibid inmate na si Jun Villamor.
Ayon kay Remulla, hahanapin din ng DOJ ang pamilya ng mga pumanaw na PDLs para mabigyan ng disenteng libing.
Una nang sinabi ng kalihim na iniimbestigahan na ng mga otoridad ang sanhi ng pagkamatay ng PDLs.
Si Remulla ang guest of honor sa anibersaryo ng NBI kung saan pinuri nito ang trabaho at serbisyo ng mga tauhan at opisyal ng NBI.
Tiniyak ng kalihim na inaasikaso na nila ang pagkumpleto at pagsasaayos ng mga kagamitan at laboratoryo ng NBI para mapagbuti pa ang mga imbestigasyon ng ahensya.
Moira Encina