DOJ maaaring paimbestigahan sa NBI ang isyu sa Pharmally kapag matanggap na ang committee reports ng Senado at Kamara
Posibleng atasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na imbestigahan at magsagawa ng case build-up kaugnay sa isyu ng sinasabing maanomalyang kontrata ng gobyerno sa Pharmally para sa COVID medical supplies.
Sinabi ni Guevarra na isasailalim sa preliminary evaluation ng DOJ ang mga committee reports ng Senado at Kamara sa naging hearing nito sa isyu sa Pharmally kapag ito ay natanggap na ng kagawaran.
Aniya kapag nadetermina na may pangangailangan para ma-validate ng NBI ang mga ebidensya ay paiimbestigahan ito sa kawanihan.
Kung kinakailangan din aniya ay bubuo at maghahain ng kaso ang NBI batay sa mga ebidensya na nakalap na ng Senado at Kamara.
Sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee, inirekomenda na sampahan ng mga kasong pandarambong, katiwalian at iba pa si Health Secretary Francisco Duque III, mga dating opisyal ng pamahalaan, at mga Pharmally executives.
Nais din ng komite na papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa oras na ito ay bumaba sa puwesto dahil sa sinasabing betrayal of public trust.
Moira Encina