DOJ mag-iimbentaryo ng mga kaso ng mga rebelde at komunista na ginawaran ng amnestiya ni Pangulong Duterte
Aatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Prosecution Service na magsagawa ng imbentaryo sa mga kaso ng mga rebelde at komunista na ginawaran ng amnestiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Guevarra, hindi otomatikong mababasura ang mga kaso laban sa mga rebelde at komunista na kasama sa amnestiya.
Paliwanag ng kalihim, kailangan pa rin na masala at ma-evaluate nang mabuti ng National Amnesty Commission ang mga taong maaaring eligible sa amnestiya.
Ito ay para anya matiyak na kwalipikado talaga ang mga ito sa amnestiya na kinakailangan din ng pag-apruba ng Kongreso.
Si Guevarra bilang kalihim ng DOJ ay isa sa mga ex-officio members ng binuong National Amnesty Commission.
Una nang nilagdaan ni Duterte ang apat na proklamasyon na naggagawad ng amnestiya sa mga miyembro ng MNLF, MILF, RPMP-RPA-ABB, at mga komunista.
Hindi kasama sa amnestiya ang mga may kasong paglabag sa ilalim ng Human Security Act at Anti- Terrorism Act.
Hindi rin sakop sa amnestiya ang may kasong kidnap for ransom, massacre, rape, genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances, at iba pang gross violations ng karapatang pantao.
Moira Encina