DOJ maghahain ng bagong petisyon sa CA para ideklarang terror group ang CPP- NPA
Walang epekto sa designation ng Anti- Terrorism Council (ATC) sa CPP-NPA bilang teroristang organisasyon ang desisyon ng korte ng Maynila na ibasura ang petisyon ng DOJ.
Ito ang nilinaw ni Justice Secretary Crispin Remulla matapos na hindi paboran ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyon ng DOJ noong 2017 para ideklarang terrorist organization ang CPP- NPA.
Una nang pinangalanan ng ATC ang 19 na Central Committee Members ng CPP-NPA at 10 local terror group individuals bilang terorista.
Ayon sa ATC, ang designation sa mga naturang indibiduwal ay kritikal sa paglaban sa terorismo.
Sinabi rin ni Remulla na iaakyat nila ang kaso sa Court of Appeals (CA) sa pamamagitan ng paghahain ng petition for proscription kung saan dapat ito isampa.
Paliwanag ni Remulla, ang Human Security Act kung saan ibinatay ang desisyon ng Manila RTC ay napawalang-bisa na ng Anti- Terrorism Act of 2020.
Aniya, sa ilalim ng ATA ang CA na ang may hurisdiksyon sa proscription ng terror groups.
Naniniwala rin si Remulla na base sa ruling ng RTC ay may bias ang hukom sa CPP NPA.
Iginiit ng justice chief na kailangan na protektahan ng gobyerno ang mamamayan laban sa mga umaatake sa estado.
Sa ruling ni Branch 19 Presiding Judge Marlo Magdoza-Malagar, sinabi na base sa rebyu ng hukuman sa “Plan of Action” ng grupo, ang CPP-NPA ay hindi raw binuo para makibahagi sa terorismo at hindi raw terorismo ang rebelyon.
Moira Encina