DOJ magiisyu ng immigration lookout order laban kay Julian Ongpin na suspek sa pagkamatay ng Pinay artist na si Bree Jonson
Isasailalim sa immigration lookout bulletin order ng DOJ si Julian Ongpin na suspek sa pagkamatay ng Pinay artist na si Bree Jonson.
Ito ay matapos hilingin ng nanay ni Jonson kay Justice Sec. Menardo Guevarra na mag-isyu ng lookout order laban kay Ongpin sa pangambang makaalis ito ng bansa.
Si Julian Ongpin ay anak ng business tycoon na si Roberto Ongpin at kasintahan ni Jonson.
Siya ang sinasabing huling kasama ni Jonson bago ito namatay sa isang hotel sa La Union noong Sabado.
Una nang inaresto ng pulisya si Ongpin at iniharap sa piskalya para sa inquest proceedings.
Sinampahan ang 29- anyos na si Ongpin ng reklamong possession of illegal drugs at iniimbestigahan sa pagkamatay ng painter.
Pero ipinagutos ng inquest prosecutor na palayain ng PNP La Union si Ongpin habang nakabinbin ang preliminary investigation sa kaso.
Ayon kay Guevarra, bukod sa ILBO ay maaaring humiling ang DOJ sa hukuman ng precautionary hold-departure order o PHDO laban kay Ongpin depende sa itinatakbo ng pagdinig ng piskalya.
Hindi pa maaaring humiling ng HDO o hold departure order ang DOJ sa korte dahil wala pang nakasampang kaso sa hukuman.
Sinabi naman ni DOJ spokesperson at Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na naniniwala ang inquest prosecutor na akmang magsagawa ng regular preliminary investigation sa kaso.
Ito ay para aniya magkaroon ng oportunidad ang mga otoridad na makapagsumite ng karagdagang ebidensya para mapatunayan ang kasong possession of dangerous drugs laban kay Ongpin at para lalong maimbestigahan kung may ‘foul play’ na nagresulta sa pagpanaw ni Jonson.
Inatasan na rin ni Guevarra ang NBI na tumulong sa imbestigasyon ng pulisya o kaya ay magsagawa ng parallel probe sa insidente.
Tiniyak ng kalihim na masusing iimbestigahan ang kaso para malaman ang katotohanan at maigawad ang hustisya.
Moira Encina