DOJ magsasagawa ng imbentaryo ng mga kaso laban sa lahat ng mga pugante na nasa BI detention center
Rerebyuhin ng Department of Justice (DOJ) ang mga kaso ng mga pugante na nakapiit sa detention center ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, ito ay para mabatid kung may mga dapat nang maideport sa mga ito pero naaantala dahil sa pending na mga gawa-gawang kaso.
Ito ay kaugnay sa kaso ng apat na Japanese fugitives na natagalan ang deportasyon dahil sa mga kaso na para kay Remulla ay imbento lamang.
Aniya, layon ng imbentaryo na hindi na maulit muli ang katulad na pangyayari.
Pahiwatig din aniya ito na hindi na puwedeng pagtaguan ng mga pugante ang Pilipinas.
Sinabi ni Remulla na lumang taktika ng mga abogado ang pagsasampa ng contrived o gawa-gawang kaso.
Naniniwala ang kalihim na dapat na maging selective ang lawyering o pag-aabogado sa immigration cases.
Ipagbibigay alam naman ng DOJ sa Korte Suprema ang ukol sa naging behavior ng mga abogado na nagtanggol sa apat na pugante.
Nagtataka si Remulla kung bakit ang mga ito mismo ang kumukontra sa pagbasura sa kaso ng kanilang kliyente.
Moira Encina