DOJ may “breakthrough” sa kaso ng mga nawawalang sabungero
May isa umanong “significant breakthrough” ang mga otoridad kaugnay sa mga kaso ng 34 na nawawalang sabungero.
Ito ang ibinahagi ni Justice Secretary Crispin Remulla sa mga pamilya ng missing sabungero sa muling pagharap niya sa mga ito ngayong Biyernes kasama ang NBI at PNP.
Ayon sa kalihim, malalaman ang breakthrough sa susunod na 10 araw.
Hindi na idinetalye ni Remulla kung ano ang nasabing breakthrough sa kaso.
Pero inihayag ng kalihim na may bagong mahalagang testimonya sa isang posibleng testigo ang kanilang hinihintay.
Sa susunod na linggo aniya ay may pulong siya sa mga posibleng testigo.
Tuluy-tuloy lang din aniya ang pagkalap nila ng mga ebidensya.
Aminado ang kalihim na hindi madali na matukoy ang isang mastermind sa isang krimen dahil kakailanganin nila ng mga matitibay na ebidensya.
Ipinaliwanag din ng DOJ sa mga pamilya ng mga sabungero na mahalaga na makakalap muna ng malalakas na ebidensya ang mga otoridad upang matiyak na tatayo ang kaso sa hukuman sa oras na ito ay isampa.
Humingi naman ng paunawa ang kalihim sa mga pamilya dahil hindi rin madali na kumalap ng mga ebidensya.
Moira Encina