DOJ minaliit ang pagbawi ni Ragos sa testimonya laban kay De Lima sa drug cases
Kampante ang DOJ na hindi mawawasak ng recantation ni dating BuCor OIC Rafael Ragos ang lakas ng mga ebidensya laban kina Senadora Leila De Lima at bodyguard nito na si Ronnie Dayan.
Sa affidavit ni Ragos noong Abril 30, sinabi nito na walang katotohanan ang mga nauna niyang salaysay at testimonya na nagdidiin kina De Lima at Dayan.
Aniya kathang-isip lang ang mga pinanumpaan niyang affidavits at testimonya ukol sa personal niyang paghatid kina De Lima at Dayan ng mga pera na mula sa illegal drug trade sa Bilibid.
Pero sa isang statement, iginiit ng DOJ na walang epekto sa testimonya ng ibang mga testigo ang pag-retract ni Ragos.
Mas may bigat din anila ang testimonya sa korte ni Ragos at sapat na rin ang salaysay ng ibang mga testigo para madiin sina De Lima at Dayan sa mga drug cases sa Muntinlupa RTC.
Paliwanag pa ng DOJ na bagamat sa isa sa dalawang pending drug cases kay De Lima sa korte ay ipinirisinta si Ragos na ikalimang testigo, ito ay isinailalim sa cross examination ng depensa.
Sa pangalawa naman na kaso ng senadora ay hindi testigo si Ragos kaya walang epekto ang recantation nito.
Kaugnay nito, sinabi ng DOJ na kuwestiyonable at ‘highly suspicious’ ang motibo at ang pagiging totoo ng April 30 affidavit ni Ragos na higit limang taon matapos ang pagharap niya sa Senado noong 2016 at ang ibang mga salaysay na pinanumpaan nito noong 2017.
Humarap din anila sa korte si Ragos noong 2019 kung saan isinalang ito sa cross examination at wala itong nabanggit na anumang pamimilit o intimidasyon sa kanya.
Gayunman, maaari anilang i-refer sa Office of the Ombudsman ang mga paratang ni Ragos na coercion at intimidation laban sa ilang opisyal ng departamento.
Moira Encina