DOJ nabalangkas na ang mga panuntunan sa pag-aresto sa mga hindi magsusuot ng face mask
Posibleng ngayong linggo ay ilabas na ng DOJ ang mga panuntunan sa pag-aresto sa mga hindi magsusuot o mali ang pagsusuot ng face mask.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra makaraang mabalangkas na ang panukalang guidelines sa pag-aresto sa mga susuway sa pagsusuot ng face mask.
Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOJ at DILG na bumuo ng panuntunan para sa akmang implementasyon ng kautusan.
Sinabi ni Guevarra na handa na ang kagawaran sa panukala nito.
Pero, kailangan muna aniya ng DOJ na makipag-ugnayan sa DILG ukol sa binuo nilang mga patakaran sa pag-huli sa mga lalabag sa nasabing health protocol.
Inihayag dati ni Guevarra na ilalagay sa guidelines ang procedure ng pag-aresto at pagkulong hanggang sa pagsasampa ng kaso sa suspek kung kinakailangan.
Ang paghihigpit sa safety protocols aniya ay istratehiya ng gobyerno upang makontrol ang pagkalat pa ng COVID-19 at mapabilis ang pagbubukas ng buong ekonomiya.
Moira Encina