DOJ nagbabala laban sa email sender na nagpapakilalang si SOJ Guevarra para manghingi ng donasyon
Binalaan ng DOJ- Office of Cybercrime (OOC) ang publiko laban sa email sender na nagpapakilalang si Justice Sec. Menardo Guevarra upang humingi ng tulong sa pagbili ng iTunes gift cards bilang donasyon sa mga pasyente sa hospice care units sa bansa.
Ayon sa abiso ni Office of Cybercrime OIC Atty. Charito Zamora, ang email address ng nagsasabing siya si Guevarra ay [email protected].
Ang nasabing email address aniya ang ginamit para magpadala ng mga mensahe sa maraming recipients para humingi ng tulong.
Kaugnay nito, nilinaw ng OOC na ang official email address ng Office of the Secretary ng DOJ ay [email protected].
Sakaling makatanggap ng mensahe mula sa reported email address ay tingnan ang warning message mula sa email provider.
Pinayuhan din ang mga recipients na huwag i-click ang anumang links o magbigay ng anumang personal na impormasyon sa nasabing email sender.
Dapat din na i-report ang email bilang phishing at i-block ang sender.
Hinikayat din ng OOC ang recipients na ireport bilang spam ang mensahe at iulat ang insidente sa service provider na Gmail.
Pinaalala ng OOC na ang mga nasabing gawain ay may parusang katapat sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Maaaring maharap sa parusang anim na taon at isang araw hanggang 12 taon pagkakakulong at multang P200,000 ang sinumang mapapatunayang guilty sa paglabag sa batas.
Moira Encina