DOJ nagisyu ng lookout bulletin order laban kay dating DBM Usec. Lloyd Christopher Lao at pitong iba pa
Nagpalabas na ang DOJ ng immigration lookout bulletin order laban kina dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao at pitong iba pa na idinadawit sa sinasabing overpriced medical supplies.
Ito ay kasunod ng kahilingan ni Senate President Tito Sotto na mag-isyu ang DOJ ng watchlist order laban kina Lao at iba pang opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation dahil sa isyu ng overpriced PPEs.
Bukod kay Lao, sakop din ng ILBO si Overall Deputy Ombudsman Atty. Warren Rex Liong.
Nasa listahan din sina Twinkle Dargani, Huang Tzu Yen, Krizle Grace Mago, Justine Garado, Linconn Ong, at Mohit Dargani.
Nilinaw naman sa kautusan na ang ILBO ay para lamang sa pag-monitor ng travel movements at hindi sapat para mapigilan ang pag-alis sa bansa ng mga indibidwal na sakop ng lookout order.
Samantala, kinumpirma naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na natanggap na niya ang sulat ni Sen. Richard Gordon na humihiling na isailalim sa ILBO si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Ayon sa kalihim, ngayong araw din ilalabas ang lookout order laban kay Yang.
Moira Encina