DOJ nagpaliwanag sa pagkabinbin ng paghahain ng kasong murder vs. Cong.Teves sa Degamo killing
Hindi natuloy ang pagsasampa ng murder complaints ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr., kaugnay sa Pamplona massacre kung saan napaslang si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Paliwanag ni Justice Secretary Crispin Remulla, ayaw nang makipagtulungan at magbigay ng karagdagang salaysay sa mga otoridad ng anim hanggang sa pitong suspek na tumatayo ring testigo.
Sinabi ng kalihim na ito ay makaraang mag” lawyered up” o magkaroon ng mga pribadong abogado ang mga suspek.
Dagdag pa ni Remulla mayroong nagbabayad sa mga nasabing abogado na wala naman dati.
Malinaw aniya na may mga tao na interesado sa mga pahayag ng mga suspek.
Tiniyak ni Remulla na wala itong epekto sa kaso dahil nakuhanan na ng testimonya noong una pa ang mga suspek sa harap ng Public Attorney’s Office (PAO) lawyers at ibang mga testigo.
Sa Miyerkules ang bagong target na paghahain ng mga reklamo laban kay Teves sa DOJ dahil sa ginagawang muling pagrepaso ng mga piskal sa mga salaysay ng mga suspek at sa iba pang records.
Inaasahan naman ni Remulla ang naturang pangyayari at posible ring baguhin ng mga suspek ang kanilang pahayag o bumaligtad kalaunan.
Moira Encina