DOJ, nanindigan na malakas ang kaso vs 6 na akusado sa “ missing sabungero “ case
Posibleng muling pulungin ngayong Linggo ni Justice Secretary Crispin Remulla ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano, ipaliliwanag sa mga kamag-anak ang mga pinakahuling nangyayari sa kaso partikular ang pansamantalang paglaya ng anim na akusado makaraang payagan na makapagpiyansa ng Manila RTC Branch 40.
Iginiit ni Clavano na matibay ang mga hawak na ebidensiya ng DOJ laban sa mga akusado at malapit nang maresolba ang kaso.
“Sa tingin po natin malakas ang kaso natin we’re near the end dahil meron na tayong strong evidence in the guise of witnesses and statements we feel authentic and true which will lead finally to the resolution to the case ” ani Asec. Mico Clavano.
Una nang naaresto ng PNP ang anim na akusado sa Parañaque City noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay Clavano, walang epekto sa kaso ang pansamantalang paglaya ng mga akusado at patuloy ang DOJ sa pag-usig nito.
Pero aminadong nakakaapekto ito sa pakiramdam ng mga pamilya ng mga biktima.
” Sa tingin siguro nila ito na ung start of the end of the case pero sa amin po di po totoo yan we will stand strong with what we have and we will prosecute until the end” dagdag pa ni Clavano.
Moira Encina