DOJ, nilinaw na sa Mayo pa ang expiration ng prangkisa ng ABS-CBN
Nasa kamay pa rin ng Kongreso kung papayagan na mag-operate ang TV Network na ABS-CBN kapag nag expire ang kanilang prangkisa sa March 2020.
Reaksyon ito ng National Telecommunications Commission (NTC) sa hirit ng mga Senador kung kung maari bang bigyan ng provisional authority ang TV network habang hindi pa natatapos ng kamara ang pagtalakay sa panukalang batas para sa renewal ng kanilang prangkisa.
Sa pagdinig ng Senate Public Services Committee, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na ang Kongreso lang ang magpapasya kung maari pang ma-extend ang kanilang operations.
Ikinonsulta na aniya nila ito sa Department of Justice at naghihintay pa rin ng Go signal mula sa Kongreso kung papayagan ang provisional authority.
Pero sinabi ni Justice secretary Menardo Guevarra na maaaring sa mga susunod na araw ay ilabas na ang legal opinion sa NTC.
Gayunman, sa pamamagitan aniya ng isang resolusyon maaring atasan ng kongreso ang NTC na magbigay ng provisional authority subject sa terms and conditions.
Nilinaw naman ni Guevarra na hindi sa March kundi sa May 4 pa mag eexpire ang franchise ng ABS-CBN.
Kahit March 30, 1995 aniya nilagdaan ang batas para sa kanilang prangkisa naging epektibo ito 15 araw matapos ang publication noong April 19, 1995.
Samantala, no show sa pagdinig ng Senado sa isyu ng prangkisa ng TV network na ABS-CBN si Solicitor General Jose Calida.
Si Calida ang nagsampa ng Quo Warranto petition sa Korte Suprema dahil sa umano’y mga kaso ng pag-aabuso ng TV network na paglabag sa prangkisang ibinigay ng Kongreso.
Kabilang sa reklamo ng SolGen ang paglalagay ng KBO channel ng kumpanya kahit walang permit mula sa National Telecommunications Commission at pagpayag na makontrol ng ilang foreign investors ang kumpanya.
Ulat ni Meanne Corvera