DOJ: Nominasyon ni Raphael Lotilla bilang Energy Secretary, lawful at valid
Naniniwala ang DOJ na “valid” at “lawful” ang nominasyon ni Raphael Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy.
Si Lotilla na dating Energy Secretary noong Arroyo Government ay independent director ng Aboitiz Power Corporation at Ace Enexor.
Nagkaroon ng kuwestiyon ang appointment kay Lotilla dahil alinsunod sa DOE law ay hindi maaaring maupo na energy chief ang isang opisyal ng pribadong kumpanya sa energy industry sa loob ng dalawang taon mula nang ito ay magretiro o mag-resign.
Pero, matapos na pag-aralan ng DOJ ang isyu ay sinabi nito na walang nalalabag sa batas ang magiging panunungkulan ni Lotilla bilang kalihim ng DOE.
Paliwanag ng DOJ, ang novel o bagong konsepto ng independent director ay wala sa RA 7648 o DOE Act of 1992.
Nakasaad naman sa Revised Corporation Code, Securities Regulation Code, at Code of Corporate Governance ang independent director ay hindi opisyal batay sa nature, duties, functions, at responsibilities ng korporasyon na pinagsisilbihan nito.
Ayon pa sa DOJ, ang articles at by-laws ng Aboitiz Power at Ace Enexor ay in-adopt ang statutory concept ng independent director.
Dahil dito, ipinunto ng DOJ na hindi sakop si Lotilla ng pagbabawal na tinukoy sa ilalim ng DOE law.
Moira Encina