DOJ- Office of Cybercrime binalaan ang online lending companies na sangkot sa unfair collection at cyber harassments
Naglabas ng public advisory ang DOJ- Office of Cybercrime (DOJ-OOC) laban sa mga online lending companies na dawit sa unfair debt collection at cyber harassments.
Ito ay kasunod ng dumaraming bilang ng mga ulat at endorsements na natatanggap ng DOJ-OOC laban sa mapagsamantalang online lending companies (OLCs).
Layunin nito na maipabatid sa mga biktima ang mga hakbang na pwede nilang gawin laban sa mga nasabing OLCs at babala na rin sa mga abusadong nagpapautang.
Tinukoy sa public advisory ang mga halimbawa ng online harassments at unfair collection practices ng mga OLCs.
Ang mga ito ay gaya ng pag-access sa contact list o phone book ng debtor para magpadala sa mga ito ng mensahe kapag hindi agad nabayaran ang utang; pag-post sa social media ng personal at sensitibong impormasyon ng debtor para hiyain ito; pagbabanta ng physical injuries o death sa nangutang; at paggamit ng mga masasama o mapag-insultong salita laban sa mga ito.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga biktima na pwede nilang sampahan ng mga reklamo ang mga tiwaling OLCs.
Kabilang sa mga kasong maaaring ihain laban sa mga naturang OLCs ay illegal access at online libel sa ilalim ng Cybercrime law, unjust vexation o grave or light threats at coercion sa ilalim ng Revised Penal Code, mga paglabag sa Data Privacy Act, at Securities and Exchange Commission Memorandum Circular.
Hinimok din ng DOJ-OOC ang mga biktima o publiko na isumbong ang mga nasabing OLCs sa NBI Cybercrime Division, National Privacy Commission, at PNP Anti- Cybercrime Group.
Maaari ding humingi ng legal advice ang mga biktima sa DOJ-OOC.
Moira Encina