DOJ- Office of Cybercrime: FB page na nasa likod ng malicious tagging, natanggal na
Inanunsyo ng DOJ- Office of Cybercrime (DOJ-OOC) na inalis na ng Facebook ang page na sangkot sa malicious tagging ng mga account users.
Ayon sa DOJ-OOC, natanggap nila ang kumpirmasyon mula sa Facebook APAC Legal Law Enforcement Outreach na tinanggal na ang FB page sa malicious tagging at pinatawan ng parusa ang mga administrators nito.
Idinulog ng Office of Cybercrime sa Facebook ang nasabing isyu matapos mabatid na maraming FB users ang na-tagged sa post na naglalaman ng link sa lewd/ adult video content.
Kapag ina-access ng users ang link ay hihimukin ang mga ito na mag-install ng update ng video player para mapanood nang buo ang video sa link.
Lumalabas na isa itong malware o malicious software kaya sa oras na i-click ito ay magreresulta ito sa otomatiko at random tagging ng nasabing post sa iba pang FB users.
Hinimok ng tanggapan na i-report ang mga katulad na insidente sa hinaharap para sa agad nila itong maaksyunan.
Sinabi ng DOJ-OOC na ang introduction o transmission ng viruses gaya ng malwares at interferences sa pag-function ng computer systems ay ipinagbabawal sa ilalim ng RA 10175 o Cybercrime Prevention law.
Moira Encina