DOJ-OOC hiniling sa Youtube na ipreserba ang lahat ng data sa account na inireklamo ng cyber libel ni Sen. Pangilinan
Nakipag-ugnayan na ang DOJ- Office of Cybercrime sa YouTube para maipreserba ang data sa account na inireklamo ng cyber libel ni Sen. Kiko Pangilinan.
Ayon kay DOJ-OOC OIC Charito Zamora, ito ay para matiyak na ang integridad ng computer data sa subject na YouTube account ay intact at available.
Kung nagpasya aniya ang complainant na isulong ang kaso sa piskalya ay magagamit ang nasabing computer data.
Partikular na sinampahan ng online libel complaint ni Pangilinan ang mga creators ng YouTube channel na Maharlika dahil sa sinasabing libelous content sa pamilya ng senador.
Nilinaw ni Zamora na hindi nagpapalabas ng subpoena ang OOC.
Aniya ang law enforcement agencies gaya ng NBI ang nagpapadala ng subpoena sa mga inirereklamo.
Sinabi pa ni Zamora na batay sa kanilang assessment maaaring ihain na nang direkta ng senador ang reklamo sa piskalya dahil tukoy naman na kung sino ang nasa likod ng YouTube channel.
Ang hamon lang din aniya sa kaso ay nasa abroad ang creators o management ng Maharlika YouTube channel.
Moira Encina