DOJ pag-aaralan ang ulat ng nagsasabing hindi umano nabago ang human rights situation sa PH sa ilalim ng Marcos Admin
Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na ibang-iba na ang approach ng
Administrasyong Marcos sa laban kontra iligal na droga.
Ito ang pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng ulat ng grupong Human Rights Watch (HRW) na walang naging pagbabago ang sitwasyon ng karapatang pantao at nagpapatuloy ang drug war killings sa bansa sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, nabasa niya ang report pero kukumpirmahin nila ang lahat ng mga nasabing ulat at mga impormasyon na nakalap ng human rights group ukol sa isyu.
Una nang iginiit ni Remulla at ng delegasyon ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland na walang state policy ang Pilipinas sa extrajudicial killings.
Tiniyak ni Remulla na hindi tinitigilan ng pamahalaan ang pagdinig at imbestigasyon sa mga naturang kaso para mahabol ang mga sangkot sa EJKs at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Moira Encina