DOJ: Pag-interrogate ng mga otoridad sa mga organizers at volunteers ng mga community pantries, hindi akma
Dapat hayaan at hindi dapat pakialamanan ng mga alagad ng batas ang sinumang tao na boluntaryong gumagawa ng kabutihan sa mga kapwa nito.
Ito ang tugon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa sinasabing profiling ng law enforcers sa mga nag-o-organisa sa mga community pantries.
Iginiit ni Guevarra na walang legal duty ang mga organizers na sagutan ang alinmang forms dahil ang mga community pantries ay hindi negosyo at hindi iligal na aktibidad.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na walang pangangailangan sa presensya ng mga abogado sa community pantries.
Tumanggi si Guevarra na sagutin kung paglabag sa right to privacy ng mga volunteers ang ginagawang profiling ng mga otoridad dahil baka maprejudge niya ang aktwal na kaso na maaaring idulog sa DOJ.
Gayunman, binigyang-diin ni Guevarra na “not proper” na isalang sa interogasyon ang mga nasa likod ng community pantries.
Ito ay maliban na lamang anya kung may rason na paniwalaan na may nilalabag itong ordinansa o batas na para sa kabutihan o kapakanan ng komunidad.
Moira Encina