DOJ paiimbestigahan sa NBI ang 1.8 bilyong pisong halaga ng naipuslit na shabu sa bansa na kinasasangkutan ni Jacky Co
Iimbestigahan ng NBI ang halos dalawang bilyong pisong halaga ng naipuslit na shabu sa Manila International Container Port noong Marso na sinasabing kinasasangkutan ni Zhijian Xu alyas Jacky Co.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, aatasan niya ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa nasabing importasyon ng iligal na droga at kung kinakailangan ay magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga taong responsable sa shabu smuggling.
Kasabay nito, idinipensa ni Guevarra ang Bureau of Immigration sa hindi pagpigil kay Jacky Co na makaalis ng bansa.
Nilinaw ng kalihim na bagamat nakabinbing kaso sa China si Xu Zhijian ay wala ito sa watchlist ng Interpol.
Sinabi pa ng kalihim na walang records ang BI na umalis ng bansa si Xu Zhijian noong Abril taliwas sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson.
Mayroon anyang isang Xu Zhijian na lumabas ng bansa noong March 20.
Pero dahil sa walang hold departure order laban sa personalidad o anumang Interpol alert ay pinayagan ito na makabyahe palabas ng bansa.
Ulat ni Moira Encina