DOJ Panel of Prosecutors, inatasan ang mga complainant sa Dengvaxia case na magsumite ng karagdagang mga ebidensya
Pinagsusumite ng DOJ Panel of Prosecutors ang Volunteers against Crime and Corruption o VACC at Vanguard of the Philippine constitution ng mga karagdagang dokumento at ebidensya kaugnay sa reklamong inihain nito laban kina dating Pangulong Noynoy Aquno at mga dating gabinete nito sa kaso ng Dengvaxia.
Sa clarificatory hearing na isinagawa ng DOJ, inatasan ni panel Chairperson Senior Assistant State Prosecutor Rosanne Balauag ang mga complainant na isumite ang listahan ng pangalan ng mga opisyal at kawani ng Zuellig Pharma at Sanofi Pasteur na kasama sa kanilang inireklamo.
Ibinasura rin ng mga piskal ang hiling ng mga complainant na ipa-subpoena ng DOJ ang ilang mga dokumento kaugnay sa kanilang kaso.
Ayon kay Baluauag, trabaho ng mga complainant na kumalap ng mga dokumento at hindi ng DOJ Panel.
Itinakda ni Balauag ang susunod na pagdinig at deadline sa pagsusumite ng mga ebidensya sa April 20.
Hindi pa muna ipatatawag ng panel sina Aquino at ibang mga respondents dahil ide-determina pa kung magpapatawag ng full-blown Preliminary investigation.
Sina Aquino, dating Health secretary Janet Garin, dating Budget Secretary Florencio Abad at iba pa ay kinasuhan ng VACC at Vanguard ng Criminal negligence at Reckless imprudence, Technical malversation causing undue injuries at ng mga paglabag sa Procurement law dahil sa implementasyon ng kontrobersyal na anti-dengue immunization program nito.
Ulat ni Moira Encina