DOJ pinag-aaralang kasuhan ng murder at perjury si SPO3 Arthur Lascañas
Posibleng sampahan ng Department of Justice o DOJ ng kasong murder at perjury ang retiradong pulis na si SPO3 Arthur Lascañas.
Ito ay matapos aminin na miyembro siya noon ng sinasabing Davao Death Squad at pumatay ng ilang indibidwal at baligtarin ang mga naunang testimonya niya sa pagdinig ng Senado noon.
Noong Oktubre nang humarap si Lascañas sa hearing ng Senado– itinanggi nito ang mga testimonya ni Edgar Matobato na sangkot sa pagpatay ang DDS sa Davao.
Dahil dito, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nagsinungaling ang dating pulis sa pagsalang niya sa imbestigasyon ng Senate Justice Committee sa isyu ng Extra Judicial Killings sa Davao City.
Pero nilinaw ng Kalihim, na kailangan muna nila ng sworn statement ni Lascañas sa magkakasalungat na pahayag nito para umusad ang kasong perjury.
Uungkatin din ng DOJ ang pag-amin ni Lascañas na pagpatay kaya posible din itong maharap sa kasong murder.
Ulat ni : Moira Encina