DOJ, pinagsusumite ang kampo ni Patricia Fox at ng Bureau of Immigration ng memoranda sa apela ng madre laban sa Deportation order laban dito
Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kampo ng Australyanong madre na si Patricia Fox at ang Bureau of Immigration na magsumite ng kani-kanilang memoranda kaugnay sa apela ng dayuhan sa Deportation order laban dito.
Sinabi ni Guevarra na mayroong 30 araw ang bawat panig para ihain ang memoranda o written argument.
Sa oras anya na matapos ang nasabing 30-day period ay ireresolba na ng DOJ ang apela na inihain ni Fox laban sa kautusan ipatapon ito pabalik ng Australia.
Ang deportation order ng BI ay nag-ugat sa sinasabing paglabag ni Fox sa Section 37 ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga dayuhang turista na makilahok sa alinmang politikal na aktibidad sa Pilipinas.
Samantala, nagsimula nang gumulong ang temporary visa na ibinigay ng BI kay Fox na may validity ng limamput siyam na araw matapos na hindi na palawigin pa ng kawanihan ang missionary visa ng madre.
Ulat ni Moira Encina