DOJ pinaiimbestigahan sa NBI ang alegasyon sa umano’y nakaw na yaman ni COMELEC Chairman Andres Bautista
Pinaiimbestigahan ng DOJ sa NBI ang alegasyon na nagkamal ng tinatayang isang bilyong pisong nakaw na yaman si COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ang kautusan ay ipinalabas ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kasunod ng salaysay na isinumite sa NBI ng asawa nito na si Patricia Paz Bautista kaugnay sa mga hindi maipaliwanag na ari-arian ng mister na hindi idineklara sa 2016 SALN nito.
Sa Department Order 571 ni Aguirre, ipinagutos nito sa NBI na magsagawa ng imbestigasyon at mag- case build up sa mga akusasyon ni Mrs. Bautista laban sa asawa kabilang na ang posibleng paglabag nito sa Anti-Money Laundering Law at iba pang kaugnay na batas.
Batay sa affidavit ni Ginang Bautista, nadiskubre niya ang mahigit tatlumpung passbooks at iba pang mga bank at real property documents na nakapangalan sa kanyang mister at sa iba nitong kaanak pero hindi naman nakadeklara sa SALN nito noong 2016.
Bukod dito may mga investment din aniya sa ibang bansa ang opisyal na wala rin sa SALN nito.
Una nang humarap kay Pangulong Duterte si Mrs. Bautista para ihayag ang kanyang nalalaman sa mga hindi maipaliwanag na yaman nito.
Ulat ni: Moira Encina