DOJ pormal nang hiniling sa SC na magtalaga ng special courts na lilitis sa mga kaso laban sa Maute
Pormal nang hiniling ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa Korte Suprema ang pagtatalaga ng special courts sa Visayas o sa Luzon na lilitis sa mga kasong isasampa laban sa mga miyembro ng Maute group at iba pang mga teroristang grupo na sangkot sa kaguluhan sa Marawi City.
Sa kanyang sulat kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sinabi ni Aguirre na mahalagang gumawa ng kaukulang hakbang ang hudikatura para maprotektahan ang mga hukom na hahawak ng mga ihahaing kaso laban sa mga Maute member at iba pang mga terorista na mahuhuli at susuko.
Ayon pa kay Aguirre, sa ganitong paraan ay makakamit ang katarungan nang walang takot, banta at bahid ng dahas.
Inihayag din ng kalihim ang kanyang pag-aalala sa kaligtasan ng mga piskal na lilitis ng kaso.
Ulat ni: Moira Encina