DOJ pormal nang inatasan ang NBI na imbestigahan ang sinasabing manipulasyon sa presyo at suplay ng baboy at iba pang food commodities
Pinaiimbestigahan na ng DOJ sa NBI ang napaulat na manipulasyon sa presyo at suplay ng baboy at iba pang food commodities.
Sa department order na pirmado ni Justice Secretary Menardo Guevarra, inatasan nito ang NBI na magsagawa imbestigasyon at case build-up laban sa ilang partikular na grupo na sinasabing nagmamanipula sa suplay at presyo ng baboy at iba pang pangunahing pagkain.
Partikular na pinapasiyasat ng kalihim ay ang posibleng paglabag ng mga grupo sa Price Act at sa Article 186 ng Revised Penal Code na ukol sa monopolyo.
Kung may makitang sapat na ebidensya ay pinasasampahan ni Guevarra ng kaukulang reklamo ang mga nasa likod ng paglobo ng presyo ng baboy at iba pang pagkain.
Ang DOJ at NBI ay bahagi ng binuong sub-task group on economic intelligence.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DA at DTI na makipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies para matugis ang mga smugglers at iba pang nagsasamantala sa presyo ng mga food commodities bunsod ng pagtaas ng presyo sa merkado ng baboy at manok.
Moira Encina