DOJ prosecutors at COA auditors, itatalaga bilang resident ombudsmen sa mga graft-prone agencies ng pamahalaan
Malapit nang magkaroon ng resident ombudsmen ang mga ahensya ng gobyerno na prone sa katiwalian.
Ayon kay Justice Sec. at Task Force Against Corruption Chairperson Menardo Guevarra, ito ay sa oras na malagdaan na ang kasunduan sa pagitan ng task force at ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit.
Sa pamamagitan nito aniya ay maaari nang mag-deploy ang TFAC ng mga DOJ prosecutors at COA auditors bilang resident ombudsmen sa mga graft-prone agencies.
Sinabi ni Guevarra na mas makakagawa ng epektibong aksyon ang TFAC kapag magkaroon ng deputized resident ombudsman sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Umaasa ang kalihim na malalagdaan ang memorandum of agreement sa susunod na linggo.
Tiniyak ni Guevarra na mas paiigtingin ng TFAC ang kanilang trabaho para tulungan si Pangulong Rodrigo Duterte sa anti- corruption campaign sa nalalabing buwan ng administrasyon nito.
Ito ay kahit aniya kulang sa kapangyarihan ang task force dahil ito ay nilikha lamang sa pamamagitan ng memorandum at hindi ng executive o administrative order.
Inihayag ni Guevarra na sang-ayon siya sa pag-amin ng pangulo sa SONA nito na halos imposibleng mawakasan ang kurapsyon.
Paliwanag ng kalihim, wala ni isang bansa sa buong mundo na walang umiiral na katiwalian.
Ang hamon aniya ay lumikha ng framework kung saan mahirap magkaroon ng kurapsyon gaya ng pagpataw ng mas mabigat na parusa, pagbawas sa red tape, pag-adopt ng electronic transaction at pag-streamline sa legal processes.
Ipinunto pa ni Guevarra na hindi lamang responsibilidad ng gobyerno ang pagsawata sa kurapsyon kundi ito ay moral duty rin ng bawat mamamayan na isiwalat ang katiwalian at hindi pamarisan.
Moira Encina