DOJ Sec. Aguirre nilinaw na wala sa sinasabing pulong ng mga opposition leaders sa Marawi City si Sen. Bam Aquino
Binawi na rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang kanyang unang pahayag na dumalo sa sinasabing pagpupulong ng ilang taga-oposisyon at political families sa Marawi City si Senador Bam Aquino ilang linggo bago ang pag-atake ng Maute group sa lungsod.
Sa isang statement, sinabi ni Aguirre na matapos ang kanilang beripikasyon nabatid na wala talaga si Aquino sa naturang meeting ng mga lider ng oposisyon sa Marawi City noong May 2.
Pumunta aniya ang Senador sa nasabing Lungsod noong May 19 dahil sa imbitasyon ni Lanao Del Sur Governor Soraya Alonto-Adiong para sa Go Negosyo Program ng DTI.
Iginiit ni Aguirre na hindi rin sa kanya galing ang litrato ng sinasabing meeting na napag-alaman na 2015 pa kinuha sa Iloilo airport.
Inulan ng batikos si Aguirre dahil sa pagpapakalat ng fake news at pagsisi sa media na siya ay namisquote lamang sa isyu.
Ulat ni: Moira Encina