DOJ sisilipin ang delay sa pagbili ng Bureau of Corrections ng mga gamot para sa mga PDLs
Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kanilang sisilipin ang pagkaantala sa procurement ng mga gamot para sa mga inmates sa New Bilibid Prison at Correctional Institution for Women.
Ito ay matapos punahin ng Commission on Audit sa report nito ang Bureau of Corrections dahil sa matagal o mahabang procurement process sa mga kinakailangang medisina para sa mga persons deprived of liberty o PDLs.
Ayon kay Guevarra, hihintayin ng DOJ ang paliwanag ng BuCor ukol sa mga nakasaad sa audit report ng COA.
Sinabi ni Guevarra na dapat agad matugunan ang anumang delay sa procurement at delivery ng mga gamot lalo na’t mataas ang banta ng pagkakasakit sa mga siksikang kulungan.
Sa 2019 BuCor annual audit report, sinabi na lagpas sa maximum allowable time ng tatlong buwan na nakasaad sa batas ang procurement process ng medisina para sa NBP Hospital at CIW.
Pinagsabihan din ng COA sa report nito ang BuCor dahil sa kabiguang kolektahin ang mga hindi nabayarang rental fees at konsumo sa kuryente mula sa mga pasaway na concessionaires na may negosyo sa mga jail facilities ng BuCor.
Moira Encina