DOJ tapos nang rebyuhin ang 52 kuwestyonableng anti-drugs operations ng PNP
Narebyu na ng Department of Justice (DOJ) ang 52 anti-illegal drugs operations ng PNP na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na tatalakayin ng DOJ sa Pambansang Pulisya kung isasapubliko ang resulta ng rebyu ng kagawaran.
Pag-uusapan din aniya ng review panel kung ilalabas sa pamilya ng mga namatay na drug suspects ang rebyu ng DOJ sa mga kaso.
Ayon pa sa kalihim, kung kinakailangan na magsampa ng kaukulang reklamo ay ipapatawag naman DOJ ang mga testigo kabilang ang kamag-anak ng mga namatay na suspek upang magbigay ng impormasyon.
Una nang lumagda ng kasunduan ang PNP at DOJ para marebyu ng kagawaran ang drug case records ng pulisya.
Ang 52 kaso ay unang inimbestigahan ng Internal Affairs Service ng PNP.
May nakitang administratibong pananagutan ang IAS laban sa daan-daang pulis dahil sa sinasabing misconduct sa panahon ng operasyon kontra iligal na droga.
Moira Encina