DOJ tatapusin sa linggong ito ang draft ng kasunduan para sa joint probe ng NBI at PNP sa “nanlaban” cases
Posibleng matapos sa linggong ito ng DOJ ang draft ng kasunduan para sa magkasamang imbestigasyon ng NBI at PNP sa mga kaso ng mga “nanlaban” o mga namatay na drug suspek sa mga operasyon sa hinaharap.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, itinalaga niya sa tanggapan ni Justice Undersecretary Adrian Sugay ang pagbuo ng memorandum of agreement sa pagitan ng NBI at PNP.
Sinabi ng kalihim na malaya ang PNP at NBI na rebisahin ang draft na binabalangkas ng DOJ.
Aniya sa oras na matapos ang draft ng MOA ay ipapadala ito ng DOJ sa dalawang ahensya para kanilang rebyuhin at baguhin kung mayroon.
Inihayag ni Guevarra na ang PNP at NBI ang may pinal na salita kung papaano nila io-operationalize ang kanilang kasunduan para sa kooperasyon.
Una nang pinulong ng DOJ ang NBI ukol sa case build-up sa 52 case files ng PNP kaugnay sa drug war deaths.
Ang mga nasabing kaso ay kinasasangkutan ng 154 pulis sa anti-illegal drug operations kung saan may namatay na mga suspek
Moira Encina