DOJ tinapos na ang pagdinig sa kaso ni Jad Dera, 6 na jail guards

Submitted for resolution na ang mga reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa detainee na si Jose Adrian Dera alyas Jad Dera at anim na jail guards.

Nag-ugat ang reklamo sa paglabas ng NBI detention ni Dera nang walang pahintulot mula sa korte at iba pang otoridad.

Si Dera ay una nang sinampahan ng NBI ng reklamong corruption of public officials habang ang mga security personnel na sina Jose Randy Godoy, Arnel Ganzon, Lee Eric Loreto, Pepe Piedad Jr., King Jeroh Martin at Diana Rose Novelozo ay inireklamo ng infidelity, bribery at kurapsyon.

Nitong Huwebes ay humarap sa preliminary investigation ng DOJ si Dera at ang anim na security personnel.

Sa pagdinig ay nagsumite na ang lahat ng mga ng kanilang kontra-salaysay.

Hiniling ng mga respondent na guwardiya na ibasura ang mga reklamo laban sa kanila dahil sa kawalan ng batayan.

“Number 1, yung limang NBI escort are job only contracting. Private citizen ito sa basa naming, don they can’t be held liable sa bribery, corruption, etc… kasi hindi sila public officer,” paliwanag ni Atty. Raymund Palad, legal counsel ni Jad Dera.

Itinanggi rin ng mga guwardiya na tumanggap sila ng pera mula kay Dera.

Iginiit ng mga ito sa kanilang counter-affidavit na sumunod lang sila sa kanilang immediate supervisor na dalhin si Dera sa pagamutan.

Ayon naman sa security officer na si Godoy, walang ebidensya ang NBI na tumanggap ito ng salapi mula kay Dera.

“Wala pong umamin don na binibigyan sila ng pera or lumalabas sila in consideration of any gift or promise so walang nagtuturo na kaya lumalabas dahil sa pera,” dagdag pa ng abugado ni Dera.

Binigyang-diin naman ng kampo ni Dera na walang probable cause para kasuhan ito ng corruption of public officials dahil job order employees ang lima sa mga ito at walang patunay na tumanggap ng bayad mula kay Dera ang security officer na si Godoy.

Inamin naman ng abogado ni Dera na may mga special VIP rooms o sariling kama sina Dera at ibang detainees sa NBI detention na inaalis na sa ngayon.

Wala namang nakikitang masama ang kampo ni Dera sa alegasyon na nagpapa-deliver ito ng pagkain sa NBI detention dahil ganito rin ang kalakaran sa ibang mga piitan.

Samantala, inaasahang sa susunod na linggo ay isumite na ng NBI sa DOJ ang pinal na report ukol sa iba pang dawit sa paglabas-masok sa kulungan ni Dera.

The investigation is still on going and he assured us that he will leave no stone left unturned in the investigation,” ayon kay DOK Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano.

Sinabi ni Clavano na dapat ma-alis sa hanay ng NBI ang mga tiwaling tauhan lalo na’t ang akusado gaya ni Dera ay dapat na nakakulong at hindi malayang nakakalabas ng piitan.

“The fact na nakakalabas pasok sya at meron syang liberty na makakain sa labas kasama.pa girlfriend nya itoy napakatinding kaso… I think this will only show that the nbi has to get rid of the bad apples doon sa kanilang agency,” pahayag pa ng opisyal.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *