DOJ tiniyak na magiging patas sa imbestigasyon sa mga posibleng paglabag nina VP Sara at FPRRD
Magiging mabusisi ang imbestigasyon at case build-up ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagbabanta ni Vice – President Sara Duterte at tila pag-uudyok sa militar ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ni Justice Undersecretary Jessie Hermogenes Andres Jr. sa oras lamang na may matibay na ebidensya ay saka lamang sila magsasampa ng mga kaso sa korte.
Alinsunod din aniya sa mga reporma sa DOJ, hindi sila maghahain ng kaso para lamang mang-harass ng sinuman.
Gayunman, siniguro ni Andres na wala silang sisinuhin sa kanilang imbestigasyon kahit pa gaano ka-impluwensya at makapangyarihan ang mga sangkot lalo na kung lumabag ang mga ito sa batas.
Samantala, inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na iimbestigahan din ng kawanihan ang sinasabi ni VP Sara na pagbabanta sa buhay nito kaya umaasa silang tutugon ito sa pagpapa-subpoena sa kaniya ng NBI.
Tiniyak din ni Santiago na igagalang nila ang bise-presidente sa pagharap nito sa NBI.
Moira Encina – Cruz