DOJ, tiniyak na nasunod ang mga precaution at protocols sa paglipat sa Bilibid sa Muntinlupa ng mga babaeng inmate mula sa Women’s Correctional na nagpositibo sa Covid 19
Humingi ng pangunawa ang Department of Justice (DOJ) sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa ginawang paglipat sa Bilibid quarantine site ng mga babaeng inmate na nagpositibo sa Covid 19 mula sa Correctional Institution for Women.
Ayon kay Justice Spokesperson at Undersecretary Markk Perete, sinubukan ng mga opisyal ng Bureau of Corrections na ipaalam sa pamunuan ng Muntinlupa city bilang courtesy ang ginawang transfer sa mga inmate pero hindi makontak ang alkalde.
Aniya nauunawaan nila ang concern ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa.
Pero tiniyak ni Perete sa Muntinlupa city government at sa mga residente na nasunod ang mga kaukulang protocol at precaution sa transportasyon ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Women’s correctional.
Ipinunto pa ni Perete na ang itinayong Quarantine facility sa New Bilibid Prisons ay alinsunod sa pamantayan ng World Health Organization (WHO) at DOH.
Ulat ni Moira Encina