DOJ tiniyak na papanagutin ang lahat ng mapapatunayang sangkot sa drug war deaths
Hindi lamang sa mga pulis matatapos ang pananagutan sa mga pagkamatay sa giyera kontra droga ng pamahalaan.
Ito ay sa harap ng gagawing imbestigasyon at case build-up ng NBI sa 52 anti- illegal drugs operations ng pulisya na may namatay na suspek
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, lahat ng mga taong mapapatunayan sa mga ebidensya na may pagkukulang ay papanagutin.
Tumanggi naman ang kalihim na magsalita sakaling umabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang accountability.
Samantala, inihayag ni Guevarra na gagawin nilang institutionalize ang kooperasyon ng DOJ at PNP sa imbestigasyon sa mga kaparehong kaso sa hinaharap.
Naniniwala aniya ang DOJ at PNP na maipapanalo ang war on drugs nang walang ginagamit na sobrang puwersa at pagkawala ng buhay.
Pagtutuunan naman ng pansin din ng DOJ ang halos 100 pending na kaso sa piskalya at korte sa bansa na kinasasangkutan ng mga pulis na inaakusahan ng paglabag kaugnay sa war on drugs.
Moira Encina