DOJ tiniyak na susundin ang proseso sa paghabol sa mga utak ng Degamo killing
Susundin ang due process sa paghabol sa mga dawit sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, hihintayin nila ang mga ebidensya para mabuo ang mga kaso laban sa mga salarin.
Siniguro ng kalihim na igagalang ang mga karapatan ng mga suspek sa krimen.
Kaugnay nito, nilinaw ni Remulla na hindi aarestuhin si Congressman Arnolfo Teves Jr. na pangunahing itinuturong utak sa Degamo murder nang walang warrant of arrest.
Ang warrantless arrest ay para aniya sa mga nahuli sa akto ng paggawa ng krimen o kaya ay sa presensya ng mga alagad ng batas at sa mga hot pursuit operations.
Nang tanungin kung paano kung hindi umuwi sa bansa si Teves na umano’y nasa US, sinabi ni Remulla na hihintayin muna nila ang kaso laban dito.
Sa oras aniya na may kaso na laban sa kongresista ay maaari naman na ipursige ng Pilipinas sa US ang extradition treaty para ito mapabalik ng bansa.
Una nang tiniyak ng kalihim ang seguridad ni Teves sa oras na ito ay umuwi ng bansa.
Moira Encina