DOJ tiniyak sa UN Human Rights Council na committed ang Pilipinas sa karapatang pantao at rule of law
Muling binigyang- diin ng gobyerno ng Pilipinas na committed ito sa pagsulong at pagprotekta sa karapatang pantao at rule of law.
Sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland, iginiit ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi pamamarisan ng pamahalaan ng Pilipinas ang anumang denial of justice at paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi ni Remulla na hindi magda-dalawang isip ang gobyerno na umaksyon kapag may matibay na ebidensya.
Pinasalamatan din ni Remulla ang UNHRC at ang member states sa mga rekomendasyon para mapagbuti pa ang proteksyon ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Tiniyak ni Remulla na aayusin ng gobyerno ang mga dapat ayusin at pagbubutihin ang mga kailangan pa na pagbutihin sa isyu ng human rights.
Siniguro muli rin ng kalihim ang pagiging bukas ng Pilipinas sa pagpapalakas pa sa mga umiiral nitong partnerships at sa pagbuo ng mga bagong ugnayan sa mga gumagalang sa soberenya at mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas.
Moira Encina