DOJ tumangging magkomento kung pwedeng makasuhan si Cong. Mike Defensor sa pag-aalok nito ng libreng Ivermectin bilang gamot laban sa COVID-19
Walang diretsang sagot si Justice Secretary Menardo Guevarra kung maaaring papanagutin o kasuhan si ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor sa pag-aalok nito sa mga residente ng Quezon City ng libreng anti-parasitic drug para sa mga hayop na Ivermectin bilang gamot laban sa COVID-19.
Sinabi ni Guevarra na hindi akma na magkomento siya sa anumang partikular na kaso na wala sa kanyang tanggapan.
Pero, ayon sa kalihim, in general ay bawal sa ilalim ng FDA law na gumawa, magbenta, mag-alok, at mag-promote ng mga health products na hindi naka-rehistro sa Food and Drugs Administration.
Tiwala naman si Guevarra na bilang mambabatas ay alam ni Defensor ang nasabing batas at batid nito nang husto ang mga gawang pinapayagan at hindi pinapahintulutan sa ilalim ng FDA law.
Moira Encina