DOJ tutulong sa pagkalap ng ebidensya kaugnay sa cyanide fishing sa Bajo De Masinloc
Siniguro ng Department of Justice (DOJ) na determinado ito na habulin ang mga nasa likod ng sinasabing paggamit ng cyanide sa Bajo De Masinloc.
Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na aktibong susuportahan at tutulong ang DOJ sa mga ahensya ng pamahalaan sa pagkalap ng mga ebidensya at pagbuo ng malakas na kaso laban sa sangkot sa cyanide fishing.
Ayon kay Remulla, hindi hahayaan ng Pilipinas ang anumang aksyon na sisira sa kapaligiran o kaya ay pagkaitan ang mga Pilipino ng karapatan na gamitin ito.
Aniya, pinangunahan na dati pa ng DOJ ang pag-aaral at pagkalap ng mga ebidensya sa pagkasira ng coral reefs sa Rozul Reef at Escoda Shoal bunsod ng pagsadsad ng barko ng China Coast Guard.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang DOJ dati sa marine scientists para mabatid ang lawak ng environmental damage at epekto sa ekonomiya at sa mga eksperto sa international law para naman mapag-aralan ang mga legal istratehiya sa isusulong na kaso laban sa Tsina.
Moira Encina