DOJ umaasang mapaglalaanan ng sapat na suplay ng anti-COVID vaccines ang mga PDLs
Wala pang hawak na datos ang DOJ ukol sa kabuuang bilang ng mga persons deprived of liberty o PDLs na nabakunahan na kontra COVID-19 partikular sa mga kulungan na pinangangasiwaan ng Bureau of Corrections.
Ito ay kaugnay sa pahayag ng Commission on Human Rights sa mababang bilang ng COVID vaccination sa mga kulungan sa bansa.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, kakailanganin niya ng oras para ma-check ang mga datos ukol sa status ng pagbabakuna sa mga inmates laban sa COVID.
Sinabi ng kalihim na tungkulin ng mga opisyal ng BuCor at BJMP na makipag-ugnayan sa LGUs na nakakasakop sa mga kulungan para makakuha ng suplay ng bakuna para sa mga PDLs.
Sa panig aniya ng DOJ dati na nilang hiniling na mapabilang sa A4 priority group ang mga inmates dahil sa vulnerable ang mga ito sa hawahan ng sakit bunsod ng pagsisiksikan sa mga kulungan.
Umaasa si Guevarra na mas maraming bakuna ang dumating sa bansa sa mga susunod na araw upang mapaglaanan ng sapat na suplay ng COVID vaccines ang mga at risk na inmates.
Kung hindi aniya mapagkakalooban ng sapat na bakuna ng LGUs ang mga PDLs ay dapat na ang BuCor at BJMP ang humanap ng kanilang mapagkukunan mula sa kanilang independent sources.
Sa huli aniya ang mas maraming suplay ng bakuna ang sagot para matugunan ang tunggalian sa demand sa COVID vaccines.
Moira Encina