DOJ wala pang natatanggap ng aplikasyon para sa refugee status ng Afghan nationals na tumakas ng kanilang bansa
Pansamantala lamang ang paninirahan sa Pilipinas ng mga tumakas na Afghan nationals na nasa bansa bunsod ng political unrest sa Afghanistan.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa ngayon ay wala pang Afghans na naghahain ng aplikasyon para sila ay magawaran ng refugee status sa Pilipinas.
Aniya sa kasalukuyan ay iilan lamang ang Afghans na pinayagan na makapasok sa bansa.
Pero, ang mga ito aniya ay nasa Pilipinas lang para sa temporary shelter dahil sa ibang bansa sila permanenteng maninirahan.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na hindi na kailangan na maghain pa ng aplikasyon ang mga Afghans para sa grant ng refugee status.
Samantala, tiniyak ng kalihim na susunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-ugnayan sa
UN High Commissioner for Refugees para sa coordination program sa Rohingya refugees.
Sa talumpati ng Pangulo sa 2021 UN General Assembly, sinabi nito na binuksan ng Pilipinas ang pintuan nito sa mga Afghans na naiipit sa kaguluhan sa kanilang bansa at inatasan din ang DOJ na umugnay sa UNHCR para naman sa pagtulong sa Rohingya refugees.
Moira Encina