DOJ walang nakikitang problema sa planong paghahain ng Senado ng hiwalay na reklamo laban sa mga opisyal ng PhilHealth
Walang hadlang sa Senado at Kamara para maghain ng sariling reklamo laban sa mga tiwaling opisyal ng PhilHealth.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na posibleng sampahan nila ng reklamo ang mga opisyal na hindi naisama ng Task Force PhilHealth.
Ayon kay Guevarra, parehong may gampanin ang ehekutibo at lehislatura na tanggalin ang kurapsyon at katiwalian sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa parte anya ng DOJ, kakasimula lang ng trabaho nito na pangunahan at pangasiwaan ang mga trabaho ng mga miyembrong ahensya ng Task Force.
Tiniyak ng kalihim na mas maraming pangalan pa ang sasampahan ng reklamo at mas maraming pa ang reklamo na ihahain sa mga susunod na araw kaugnay sa mga anomalya sa PhilHealth.
Ito ay dahil sa tuluy-tuloy pa anya ang imbestigasyon ng Task Force sa mga sentro ng katiwalian sa PhilHealth.
Una nang naghain noong Biyernes ang NBI sa Office of the Ombudsman ng mga reklamo laban sa ilang opisyal ng PhilHealth kaugnay sa anomalya sa Interim Reimbursement Mechanism ng state insurer.
Moira Encina