DOJ,nanindigan na walang obligasyon ang Pilipinas sa ICC ukol sa drug war probe
Hindi puwedeng gawing batayan ang ruling ng Korte Suprema noong 2021 ukol sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute sa International Criminal Court para payagan ang ICC investigators na pumasok sa bansa.
Ito ang iginiit ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng pahayag ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na may obligasyon pa rin ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC sa imbestigasyon sa war on drugs.
Sa 2021 ruling ng SC, ibinasura ng mga mahistrado ang petisyon na humihiling na mapawalang- bisa ang pagkalas ng Duterte Government sa ICC dahil sa pagiging moot and academic.
Sinabi ni Justice Carpio na alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema bagamat hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas ay may obligasyon ito na umugnay sa ICC para sa mga krimen na nangyari bago ang ICC withdrawal.
Iba naman ang pananaw dito ni Secretary Remulla na pinag-aralan ang desisyon ng SC.
Nanindigan pa si Remulla na ang anumang mga reklamo sa mga sinasabing krimen ay dapat na idaan sa DOJ at hindi sa ICC.
Ayon pa sa kalihim, umaandar ang sistema ng hustisya sa Pilipinas at hindi kailangan na makialam ang ICC.
Moira Encina