Doktor na sinasabing pumatay sa retired CA justice, kinasuhan ng murder ng DOJ sa Tarlac court
Sinampahan na ng DOJ ng kasong murder ang doktor na itinuturong pumatay kay retired Court of Appeals Associate Justice Normandie Pizarro.
Inihain ng DOJ prosecutors ang kaso laban kay Dr. Ramon Tayag Pangan sa Capas, Tarlac Regional Trial Court.
Nakitaan ng mga piskal ng probable cause ang reklamong murder laban kay Dr. Pangan at walang inirekomendang piyansa.
Si Pangan na doktor at residente sa San Fernando Pampanga ay kasalukuyang at-large o pinaghahanap pa ng mga otoridad.
Kumbinsido ang DOJ na planado ang krimen at nakipagsabwatan ang doktor sa iba pang suspek para patayin si Pizarro noong October 23, 2020 sa Capas, Tarlac.
Present anila ang mga aggravating circumstances para kasuhan si Pangan ng murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.
Si Pizarro ay binaril sa likod ng ulo na nagresulta sa pagkamatay nito.
Bukod dito ay pinutol din ang kanang kamay ng justice at mga daliri sa kaliwang kamay nito.
Binigyang bigat ng DOJ ang findings ng NBI batay sa kuha ng CCTV at extra judicial confession ni Pangan na sinamahan nito si Pizarro sa pagpunta sa Capas na pinangyarihan ng krimen.
Gayundin, ang katotohanan na gambling buddy ni Pizarro si Pangan sa isang hotel sa Clark, Pampanga kung saan naka-booked noon ang biktima.
Si Pizarro ay unang iniulat na nawawala noong October 23, 2020 at noong October 30 ay natagpuan ang naaagnas na bangkay sa Tarlac na kalaunang nakumpirma na si Pizarro.
Moira Encina