DOLE, binalaan ang publiko laban sa mga pekeng livelihood at emergency assistance
Binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang publiko laban sa modus ng ilang grupo at indibidwal na nanghihingi ng pera kapalit ng pagbibigay ng livelihood assistance at emergency employment programs.
Nakatanggap ng ulat ang kagawaran ng iregularidad sa impementasyon ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Program partikular sa koleksyon at panghihingi ng pera sa mga benepisyaryo gamit ang DOLE Beneficiary Profile.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, walang sinuman o grupo ang pinahihintulutan na kumolekta ng anumang kabayaran kapalit ng pagbibigay ng livelihood at employment assistance ng DOLE.
Nilinaw ng kalihim na wala ring membership o transaction fee para maiproseso ang mga dokumento para sa pre-at post- project implementation sa ilalim ng nasabing programa.
Hinihimok ng DOLE ang publiko na agad na ireport sa kanilang mga regional/provincial o field office ang mga kahalintulad na insidente o anumang impormasyon sa mga nasa likod ng iligal na gawain na ito.
Ulat ni Moira Encina