DOLE bubuo na rin ng task force para imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalaan sa kagawaran
Ipinag-utos na rin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagbuo ng isang task force na mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian at red tape sa Department of Labor and Employment at attached agencies nito.
Ito ang kinumpirma ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez, kasunod na rin ng kautusan ni Pangulong Duterte na maimbestigahan at mawakasan na ang katiwalian sa buong pamahalaan.
Ayon kay Benavidez, ang task force ng DOLE ay tatanggap ng mga reklamo at mga impormasyon laban sa mga opisyal at empleyado na posibleng sangkot sa kurapsyon.
Pamumunuan aniya ito ng dalawang undersecretary ng DOLE, kasama ang ilang mga abogado at kinatawan mula sa attached agencies ng DOLE gaya ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, Philippine Overseas Employment Administration o POEA at National Labor Relations Commission.
Aminado ang opisyal na ang red tape ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng korapsyon na dapat maputol na.
Kaugnay nito, ipinag- utos na rin aniya ni Bello ang pag-review sa mga proseso sa lahat ng opisina ng DOLE para sa mas mabilis na serbisyo at maiwasan ang red tape.
Madz Moratillo