DOLE, hinikayat na iprayoridad ang mga OFWs sa paglikha ng trabaho
Umapila si Senador Sonny Angara sa Department of Labor and Employment (DOLE) na unahin ang mga Pinoy sa bibigyan ng trabaho sa halip na kumuha pa ng mga dayuhan at paigtingin pa ang paglikha ng mga bagong trabaho sa bansa.
Ayon kay Angara, madadagdagan na naman ang bilang ng mga College graduate na walang trabaho dahil sa magtatapos sa ibat-ibang kurso pero walang iniaalok na trabaho sa Pilipinas.
Igiiit ng Senador nangangahulugan na naman ito ng pangingibang bansa ng mga Pinoy para makahanap ng trabaho.
Katunayan, kung titignan aniya ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa mahigit sampung milyon ang mga Pinoy na nangibang bansa para maghanap ng trabaho kung saan 2.4 milyon dito ay mga college graduate.
Paalala ng mambabatas, may mga batas nang naipasa ang Kongreso na dapat gamiting batayan ng DOLE para tulungan ang mga manggagawa lalo na ang mga OFWs.
Kabilang na rito ang OWWA Law na layong magkaloob ng benepisyo, reintegration program loan, at in-site workers assistance para sa mga manggagawa.
Ulat ni Meanne Corvera