DOLE: Naiuwi na sa bansa ang labi ng Pinay na pinaslang sa Abu Dhabi
Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naiuwi na sa bansa ang labi ng pinay Overseas Worker mula sa Abu Dhabi na natagpuang patay matapos mawala noong nakaraang taon.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa kahilingan narin ng magulang ni Mary Anne Daynolo ay isasailalim ito sa DNA examination at autopsy.
Paliwanag ni Bello, dahil sa Marso pa nang nakaraang taon nawawala ay pinaniniwalaang pinatay si Mary Ann at nitong Enero ng taon lamang nahanap ang kanyang bangkay na nasa advance stage na ng decomposition.
Una rito, naaresto ng mga awtoridad sa Abu Dhabi ang suspek sa pagpatay kay Mary Ann.
Tiniyak ng kalihim na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat upang mapanagot ang mga suspek sa pamamaslang kay Mary Ann at mabigyang katarungan ang pagkamatay nito.
Si Mary Ann ay nagtungo sa Abu Dhabi noong 2018 gamit ang tourist visa, pero hindi na nakauwi sa bansa matapos makahanap ng trabaho sa isang hotel doon.
Samantala, bilang aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), siniguro naman ni Bello na may mga matatanggap na benepisyo ang pamilya ni Mary Ann.
Madz Moratillo